Ang Bataan at Bulacan ay masasabi kong mga pangalawang tahanan ko na bukod sa paninirahan ko dito sa urbanidad na buhay sa lungsod ng Maynila. Kapag walang pasok at mas lalo na kapag tapos na ang termino sa eskwela, derecho agad kaming magpapamilya sa Bulacan at minsan naman ay sa Bataan. Lumaki ang tatay ko sa Balanga sa Bataan at ang aking Nanay sa Sta. Maria naman sa Bulacan. Kahit na lumaki ako sa Maynila, kabisado ko pa rin ang kultura sa mga magkakalapit na bayan na ito.
Putukan na. Kapag Bagong Taon ang bayan ng Bocaue sa may Bulacan ang pangunahing pinagbibilihan ng mga paputok kaya binansagan itong “Fireworks Capital of the Philippines.” Nung binisita ko ang bayang ito nung bago magpasko, buhay na buhay na naman ang industriya ng Bocaue. Marami na ang dumadagsa at karamihan a dala-dala ang kanilang mga sasakyan na ang pangunahing pakay ay bumili ng mga paputok at ikarga ito pabalik sa kanilang pinaggalingan. Dikit-dikit lamang ang tindahan ng mga paputok dito pero iisang klase lang naman ang binebenta.
Masayahin ang mga tao, malinis ang kapaligiran, at talagang mga relihiyoso ang mga tao. Yan ang mga deskripson ko sa lugar ng Bocaue. Pero lingid sa kaalaman ng iba, ang bayan na ito ay laging biktima ng trahedya. Sari-saring mga trahedya ang dinanas ng mga taga-Bocaue. Mukhang sariwa pa sa kanilang mga isipan ang fluvial parade o Pagoda na naging isang malaking trahedya na ikinasawi ng marami. Taon-taon din na laging nasusunog ang tindahan ng mga paputok. Pero ganon pa man, hindi pa rin maalis ang kasiyahan sa mga tao sa Bocaue lalo na kapag sasapit na naman ang fiesta at Bagong Taon dahil buhay na naman ang kanilang industriya ng paputok.
Hindi malayo sa Bocaue ang bayan ng San Miguel sa Bulacan. Hindi ganoon kaurban ang bayan na ito kung ikukumpara sa Bocaue pero may sariling industriya at kultura ang mga taga-San Miguel. Kapag hihinto kami sa bayan na ito, isang produkto ang hindi naming pwedeng hindi bilhin at gawing pasalubong. Yan ay ang matamis na Pastillas de Leche, na laging ginagawang pasalubong ng mga turista doon. Maraming mga factory o mga pagawaan ng pastillas ang bayan na ito. Saang sulok ay makakakita ka rin ng tindahan ng mga pastillas na nakabalot sa mga matitingkad at sari-saring mga pabalot.
Makikita mo sa mga tao sa San Miguel na ang pastillas ang sumisimbolo ng kanilang pagkakaisa at kabuhayan. Naging malaking ambag sa kanilang kaunlaran ang produktong ito dahil mabenta ito sa mga turista at mismong mga tao doon. Hindi ganoon kaurban ang bayan ng San Miguel. Parang di pa ata ako nakakakita ng branch ng Jollibee dito. Pero isang pinagkakaabalahan ng mga tao ay ang Pistang Pastillas para sa kanilang patron na si St. Michael de Archangel. Isang beses ay natiyempuhan kong nagdidiriwang sila ng kanilang pista. Maraming sumasayaw sa kalsada. At higit sa lahat ang sentro ng pista ay ang Pastillas na libre pa kung gusto mong tumikim.
Mula sa Bulacan, tumungo naman tayo sa di rin naman nalalayong bayan ng Balanga sa Bataan. Ibang klase ng tuyo na isda ang pinagmamalaki ng baying ito sa Bataan. Pag pumunta ka rito mangangamoy isda ka paguwi mo dahil sa lansa ng sandamakmak na mga tinapa na iba-iba ang mga laki. Maraming tao ang palengke ng Balanga dahil puno ito ng mga mamimili, at karamihan ay mga hindi naman talaga taga-roon. Dahil isang peninsula at malapit sa dagat, pangingisda ang pangunahing pinagkukunan ng trabaho ng mga tao dito. At ang tinapa ay isang produktong isda na tumatak na sa bayang ito.
Karaniwan na sa mga bahay na matatagpuan dito na may sarili silang gawaan ng tinapa. Nakakatuwa kasi kapag papasok ka sa kanilang mga sala ay laging may umuusok. Yun pala ay nagpapausok sila ng mga isda para gawing tinapa. At pagkatapos ay dinadala nila ito sa palengke. Makikita natin na ang tinapa ay bahagi na ng pamumuhay ng mga tao dito.
Sa kabuuan ng diskusyon, matuturing na ang mga lokal na kultura at produkto sa mga bayang ito ay siyang naging mga buhay para sa mga tao. Ang tinapa, paputok, at pastillas ay nagsilbing pagkakakilanlan sa mga bayang tinalakay at naging isang produktong pinagmamalaki.
0 (mga) komento:
Mag-post ng isang Komento