Panimulang Silip (unang parte)

Sabado, Pebrero 4, 2012 by Orestes C. Magdaraog III
Entry sa araw ng January 5, 2012

       Sa aking pagibibilang ng mga nagdaang taon ng aking pag-aaralan sa mahal kong pamantasan, sinumulan ko na rin ang pagbibilang ng mga nalalabi ko pang mga sandali ng aking pag-aaral. Hindi ko napansin na parang kahapon lang ng pumasok ako bilang isang mag-aaral sa unang baitang ng kolehiyo, o bilang frosh kung tawagin ng mga tao sa La Salle. Kung iyon ay kahapon lang, eh para namang umihip lang ang hangin ng sandali ng magsimula akong kumuha ng mga meydyor sabdyek sa aking pinagmamalaking kurso sa disiplina ng Kasaysayan at ngayon ay huli ko ng termino na ako'y kumukuha ng mga ito. Nang pinagmasdan ko ang flowchart ng aking kurso, nanghihinayang ako na simot na pala ang mga meydyors ko liban na lang sa mga ilang yunits sa pag-aaral ng wikang espanyol. Sa isip ko: mukhang napapanahon na kumuha na ako ng elektib na kurso.


       Sa ilalim ng elektib na kurso  sa Kasaysayan, malaya ang mga estudyante na makipagsalapalaran sa ibang disiplina na kanilang gustong pasukin. Ang iba kong mga kaklase nagsimula na kumuha ng mga sabdyeks sa edukasyon, halata naman dahil mukhang nais maging mga guro o propesor yung mga yun. Yung iba naman sa pagdadalubhasa sa mga lenggwahe ang trip, mapa-nihonggo man o mapa-espanyol. Ibang landas naman ang ginusto kong tahakin. Napamahal na talaga sa aking ang kolehiyo ng malayang sining kaya elektib na kurso sa ilang mga agham panlipunan (social science) ang pinili ko.

        Nung una, dalawa ang pinagpipilian ko na kunin dahil hindi naman ito nalalayo sa disiplina ng Kasaysayan. Isa na doon ang Pilosopiya at ang isa naman ay ang Agham Pulitika. Bilang desisyon, pinili ko ang huli dahil sa tingin ko mas pinapraktikal lang na konsepto ng Kasaysayan ang pag-aaral ng pulitika.

       Kultura at Pulitika, o CULPOLI, ang pinakanagkaroon ako ng interes na kunin dahil siguro kakaibang mukha ng pulitika ang pag-aaralan dito, yung bang hindi pangkaraniwan na inaaral. Sa unang klase namin, mukhang totoo nga ang aking hinuha pati na ang mga hula ko kung ano ang mga tatalakayin sa tatlong buwan na pagkuha ko ng elektib na ito. Halatang itsurang kumabilang bakod lang ako dahil puro mga polsci majors ang mga nakasama ko, ngunit ganoon pa man may mga pamilyar na mukha na akong nakasama, yung iba mga naging blockmates ko pa nung first year ko.

         Hindi ko pa nagiging propesor si Sir Contreras, pero matunog na ang pangalan niya sa akin. Sa pagsisimula niya na ibahagi ang nilalalaman ng elektib na kurso na ito, hindi lang kuha kung hindi ramdam ko pa ang pinagmumulan ng kanyang pag-iisip o sa salita ko, yung perspektibo kung tawagin. Sa katunayan, hindi na talaga iba sa akin ang mga kagaya niya na pos-moderno kung mag-isip dahil siguro bukas na ako sa ganoong mga bagay kaya naging madali lang ang pag-iintindi ko ng mga dapat na pag-aralan sa kursong ito. Nung una problema ko kung paano ako makakasabay sa klase eh hindi naman ako polsci major tulad ng mga kaklase ko.

          Ang konteksto ng kurso na ito at ang obhektibo na nais isaisip sa mga mag-aaral ni Sir Contreras ay mukhang magiging kapanapanabik para sa akin, dahil pamilyar na ako sa mga ganitong bagay....(itutuloy)

Posted in | 0 Comments »

0 (mga) komento:

Mag-post ng isang Komento