Hindi pa naaalis ang mga pilat ng ating kasaysayan na dulot ng mga pagaalipusta ng mga iba't ibang uri ng mga dayuhan na sumakop sa ating bansa. Kahit na sa panahon ng post-kolonisasyon hirap pa rin tayo na putuling ang ating ugnayan sa mga taong labas na sumira sa ating tunay na pagkakakilanlan bilang mga Pilipino. Bilang bukas na sa mga pangyayaring naganap sa ating kasaysayan, halos mulat na ako sa mga istoryang na nagsasalaysay kung gaano inapi, minaliit, at pinahirapan ng mga dayuhan mananakop na ito ang ating mga kababayan.
Ang post-kolonyal na teorya ay naglalayon na gisingin ang ating pagkatao bilang mga Pilipino na malaya sa impluwensya ng konolisasyon na pilit na isinusubo ng mga mananakop sa atin. Nais nilang baguhin ang ating mga pagkatao at maging kawangis ng kanilang paraan ng pamumuhay. Ayon sa kanila, ito daw ang sibilisadong pamumuhay. Kung ganon ba ay utang pa natin ang ating magandang buhay dahil idinala nila dito ang kanilang pinagmamalaki nilang mga kultura?
Mga Imperialista. Kahit iba't ibang mga lahi ang kanilang pinagmulan, halos lahat sila, mapa-Kastila, Amerikano, Briton, Hapon, o Prances ay mga walang awang mananakop na ang tanging layunin ay sumakop ng iba pang mga mahihinang mga bansa na maari nilang tawaging kanilang kolonya. At sa huli, ay aabusuhin lamang ang mga tao at nanakawin ang mga likas na kayamanan para sa kani-kanilang mga sariling kapakanan. Ang motibo ng pananakop ay pansarili lamang at kabalastugan kung sasabihin nila na hangarin nila na gawing mga sibilisado ang mga tao at pagandahin ang kanilang mga pamumuhay. Talaga naman. Parang ang kabaligtaran naman yata ang naranasan ng mga taong nasakop sa kanilang layunin.
Sa ilang dantaong pagiging isang kolonya ng tatlong makapangyarihang mananakop, halos nahubaran na tayo ng mga kolonyalistang ito at matagumpay na maalis ang ating tunay na pagkatao. Nakakamangha kung paano minanipula ng mga Amerikano at Kastila ang mga Pilipino para sa kanilang sariling obhektibo. Sa pamamagitan ng edukasyon na kanilang pinagmamalaki, naihubog nila ang mga Pilipnio sa kanilang sariling imahe. Tinuruan daw nila tayo kung paano ang isang maginhawang buhay, magpatakbo ng gobyerno, at maging mas malapit sa panginoon. Ang mga Amerikano pa ay pinagmamalaki ang dinala nilang konsepto ng demokrasya para maenganyo ang mga Pilipino na umanib sa kanila. Sila daw ang tagapaglipana ng demokrasya sa buong mundo. Naniwala naman tayo.
Sa mga nakalipas na mga panahon, hindi maitatangi na mukhang matagumpay ang mga kolonyalistang ito na alisin ang pagkapilipino sa atin at maging isang replika lamang ng kanilang lahi. Nakakalungkot dahil hindi man lang nating nagawang maingatan ang ating pagkapilipino. Ginawa nila tayong mga kasunod nila at maging sa neokolonyal na panahon na ito, ayon kay Renato Constantino, isa paring malaking impluwensya ang mga dayuhan, partikular na ang Amerika, sa pakikialam sa ating mga pamumuhay maging sa panahon na tayo ay isa ng ganap na malaya na.
Ayon kay Franz Loomba, isa radikal na proseso ang dapat nating gawin upang maging malaya sa kolonisasyon at ang epekto nito sa ating pagkatao. Tinatawag niya itong decolonization, o ang paglilinis ng ating estadong kolonisado. Isiniwalat niya na hindi pa rin nabubura ang linyang iginuhit ng mga kolonyalitang ito na naghahati sa kanila at sa kanilang mga sinakop. Ang epekto nita sa lipunan ay ang rasismo na isang mapanirang sistema kung saan ang mga mabababang uri katulad ng mga nasakop na lahi ay naging isang sabdyek ng diskriminasyon. Aniya, dapat na iwaksi ng mga tao ang mga bagay na dinala ng mga kolonyalista at paglinangin ang mga kulturang totoong sa atin.
Iba naman ang diskusyon ni Edward Said ukol sa pagdodomina ng mga kolonyalista sa mga nasakop na bansa. Sinabi niya na dapat wakasan na ang mapanirang pagtingin ukol sa Orientalism. Sa ibang salita, pinapaliwanag ni Said na dapat mapaglabanan ng mga taong Silangan na kung saan ay kabilang tayo ang pananaw na tayo ay mas mahina kaysa sa mga taong kanluranin.
Hindi makatuwiran na sila ang unang naging sibilisado kaysa sa mga tao na nasa silangan. Tayo ay may sarili ring paraan at sistema ng sibilisasyon na iba sa pamantayan na kanilang urbanidad. Tayo ay may mga kultura, politika, at ekonomikong aktibidad na bago pa man sila dumaong sa ating mga karagatan. Pinaliwanag naman ni Homi Bhabha ang temang hybridization (paghahalo) at mimicry (pangagaya) na nagtatalakay ang mga paraan ng mga nasakop na tangapin ang mga kulturang dinala sa kanila ng mga kolonyalista.
Laganap na ang epekto ng kolonyalismo sa bansa kahit na ang mga nasakop na mga bansang ito ay tuluyan ng nakamit ang kanilang mga kalayaan. Hindi pa rin maitatangi na pumapasok pa rin ang masamang mga aspeto ng kolonyalismo sa ating pamumuhay. At sa ganito mismong sitwasyon na sinisikap ng teoryang post-kolonyalismo na bigyan ng solusyon ang pagdodomina ng kolonisasyon sa ating lipunan lalo na sa mga bansang nasakop katulad ng bansa nating Pilipinas.
Para sa akin, isa pa ring malaking balakid ang mapaglabanan ang ganitong suliranin. Hirap pa rin ang Pilipinas na humiwalay sa mga bagay na dinulot ng mga mananakop. Kahit sa mga panahon na ito, ang Amerika ay tinitingala pa ring isang gabay ng Pilipinas kahit na ilang dekada na tayong nagproklema ng ating kalayaan.
0 (mga) komento:
Mag-post ng isang Komento