May kasabihan tayo na nasa loob ang kagandahan. Ang pagmumulat ng pag-aaral ng ating bansa at pagkatao bilang isang Pilipino ay magmumula sa loob at hindi sa perspektiba na hinalaw mula sa labas. Ang pagsasakatutubo ng pag-aaral ng ating pagkapilipino ay nararapat na umangkas sa isang pananaw na TAYO mismo ang lumikha, na TAYO mismo ang huhusga, at TAYO mismo ang kikilala sa ating tunay na pagkatao. Ang pag-aaral ng ating kultura at bansa gamit ang mga tagalabas na pananaw ay hindi sapat upang lubusan nating makilala ang ating mga sarili. Sino ba ang mga nagsulat ng mga salaysay na ito kung hindi ang mga dayuhan na nagiimpluwensiya sa ating na magisip na ganito tayo na ayon sa kanilang pagkakakilanlan sa atin.
Ang pagsasakatutubo na nagmumula sa panloob ang mga paraan na dapat nating pagibayuhin upang mabaligtad ang porma ng pag-aaral ng ating mga sarili, ng ating bansa, at ng ating kultura na sa mahabang panahon ay nakasayad pa rin sa pananaw ng mga tagalabas. Wala makakakilala sa ating mga sarili kundi TAYO, at hindi SILA! Wala silang alam tungkol sa atin. Ang kanilang mga kaalaman na pinapatungkol sa ating pagkatao ay kanilang mga likha lamang na nakaayon sa kanilang pamantayan ng kultura. Samakatuwid, ang anumang kanilang pinagsasabi ay dapat magkibit-balikat lamang tayo dahil hindi TAYO ganoon, dahil ganito TAYO.
Ang Sikolohiyang Pilipino ay isang pagtatangkang isabuhay ang kamalayang Pilipino sa pag-aaral ng sSikolohiya na naayon sa ating pamantayan. Ito ay naglalayon na bigyan ng panibagong lasa ang sikolohiya sa pag-aaral ng kamalayan ng mga Pilipino. Ang disiplina ng sikolohiya ay likha at nagmula sa kanluran na dinala lamang dito bilang isang banyagang disiplina ng kaalaman. Ngunit sa pag-aaral natin ng disiplinang ito, hindi nagiging tugma ang mga kanluraning mga konsepto sa pagsusuri sa mga kulturang at kaisipang katutubo at totoong Pilipino na malayo sa impluwensiya ng mga dayuhan.
Ang Sikolohiyang Pilipino ang magbabalangkas ng isang natatanging sikolohiya na akma sa pagsusuri ng ating tunay na pagkatao. Isang pag-aaral na tutuligsa sa pagtangap na ang kanluraning sikolohiya ay isang unibersal na pag-aaral. Ang pagiging Pilipino ay hindi bahagi ng kanluran, kaya nararapat lamang na humiwalay tayo sa kanilang mga konsepto. Hindi nila tayo maiintindihan katulad din na hindi rin natin maiintindihan ang ating mga sarili kung magpapatuloy tayo na sumunod sa mga tagalabas na perspektibo ng pagsusuri ng kamalayang Pilipino.
Alam ba ng mga dayuhang ito kung paano tayo mag-isip? Alam ba nila kung paano tayo mamuhay? Naranasan na ba nila kung paano tayo mamuhay? Naaintindihan ba nila ang ating lenggwahe?
Ang Sikolohiyang Pilipino ay naangkop sa naturingang mantsa sa ating kamalayan. Lagi nating ipinupuwesto ang ating mga sarili sa ilalim na laging inaapakan ng mga dayuhan na nasa ibabaw. Turing natin sa ating mga sarili ay mababang uri. Isang pagiisip ng mga kolonisadong tao. Hindi tayo ganito magisip ng malaya pa tayo sa mga kamay ng dayuhang isa-isang nagsakop sa ating lupa.
Nabanggit na rin lamang ang mga mananakop hindi ba't sila mismo ang nagbinyag sa ating mga mangmang, mga pagano, at mga walang kultura? Ito ay sangayon sa kanilang pamantayan ng pagtingin ng kultura na iba sa kanila. Bakit tayo papayag sa mga ganitong deskripyon ng mga dayuhan na wala naman talagang alam sa ating pagkatao? Sa katunayan, sila ang mga mangmang dahil hindi nila talaga lubusang nalalaman kung sino ba talaga tayo.
Sa pagsusulat ng ating mga karanasan sa kasaysayan, ang Pantayon Pananaw na binigyang kahulugan ni Dr. Zeus Salazar ay nagsisikap na iwaksi ang mga pananaw na mula sa mga tagalabas sa pagsasalaysay sa mga naratibo ng ating mga kababayan sa nakalipas at maging sa kasalukuyanng panahon. Halos karamihan sa mga batis o sources na ginagamit ng mga historyador ay isinulat ng mga dayuhan tungkol sa Pilipinas. Bilang mag-aaral ng kasaysayan at bilang isa na ring Pilipino, nasaan ang buhay ng ating naratibo kung mula sa labas na pananaw ang pinagmumulan nito. Masasabi ba na ito ay makatotohanan at naangkop sa kung sino ba talaga tayo?
Mulat na ako sa teorya ng Pantayong Pananaw. Sa klase ko sa kasaysayan, nalaman ko na ang kabuluhan ng paggamit ng pananaw na ito na TAYO ang naman ang bida sa pagsasalaysay sa ating mga buhay, na TAYO namang ang humuhusga sa ating mga pagkatao, at TAYO naman ang kikilala sa ating mga sarili. Sinabi sa akin ng aking guro na si Dr. Rina Orillos-Juan na isinisigaw ng pananaw na ito ganito tayo bilang mga Pilipino, at hindi katulad ng mga sinasabi ng mga dayuhan. Nagmumula sa atin ang pagkikilala sa ating pagkapilipino.
Dagdag pang paliwanag ni Dr. Orrilos-Juan ang tripartite view ng kasaysayan taliwas sa bipartite view na pinkilala ng mga kastila, parehong pinangunahan din ni Dr. Salazar. Na hindi totoo na dalawa lamang ang pagsasakategorya ng kasaysayan ng Pilipinas, na tayo ay nasa estado ng "dilim" bago ang pananakop ng mga kastila at pumunta na sa "liwanag" ng dinala na nila dito ang kanilang kultura at relihiyon. Ang tripartite view ng kasaysayan ay naglilinaw na nasa estado na tayo ng liwanag, at napunta sa dilim ng dumating ang mga dayuhan, at muling maibabalik sa kaliwanagan sa pamamagitan ng isang rebolusyong magtatakwil sa mga kolonyalistang ito na naganap sa panahon ng rebolusyon noong 1896.
Tungkulin ko na rin siguro bilang nalalapit na historyador na pausbungin pa ang pananaw na ito at paglinangin pa na maigi ang pagsasakonteksto ng pag-aaral ng Pilipinas sa pananaw na TAYO naman ang nagkwekwento at hindi ang mga dayuhan.
Marami pa tayong dapat na malaman sa ating mga sarili. At hindi natin ito magagawa kung magiging bulag pa rin tayo sa mga tagalabas. TAYO at hindi KAMI ang dapat na gamitin natin dahil hindi kabilang ang mga dayuhan sa pagkilala sa atin.
Critical Commentary: Indigenous Filipino
Linggo, Marso 25, 2012
by Orestes C. Magdaraog III
Posted in |
0 Comments »
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
0 (mga) komento:
Mag-post ng isang Komento