Isang Review sa Artikulo ni Gerardo Guiuan na "Pagandahan (Beauty Contest): An Experience of Grace and Sin Among Filipinos"

Miyerkules, Marso 28, 2012 by Orestes C. Magdaraog III
*Alternative essay para sa Field Trip


     Ang isyu ng pagandahanay nakamarka na sa kultura ng mga Pilipino.Ngunit ang kahulugan ng "ganda" ay napasensitibo at maaring bigyang kabuluhan sa pamamagitan ng iba't ibang pananaw. Ayon Gerardo Guiuan, ang patimpalak ng kagandahan ay maaring maging biyaya at maari ring maging kasalanan. Biyaya dahil ito daw natatangi ang pagtingin ng mga Pilipino sa usapin ng "ganda" kumpara sa kung paano ito tinitignan ng mga kanluranin.


      Bukod sa pisikal na pagtingin sa salitang "ganda," ang mga Pilipino ay tinitignan ito na may mas malalim pang pananaw na hindi sa anyo at itsura ibinabase. Ang ganda ay hindi isang pisikal na kaanyuan. Ito daw ay personalidad at ang mga salitang kaakit-akit, kabighabighani, at maganda ang kalooban ay mga iba pang kahulugan ng ganda. Hindi sila nangangahulugan ng kagandahang pisikal kundi nilalarawan nila ang kagandahang panloob ng isang tao.

      Nasabing ang pagandahan ay isang biyaya dahil ang mga beauty contest na isinasagawa sa mga lokal na barangay ay isang pagkakataon para sa pakikipagkapwa at mas mapalawak pa ang pakikisali ng mga tao. Ang isang nakoronahan baba ay isang sumisimbolo ng isang persona ng kolektibong pagsisikap para suportahan ang isang proyekto. Ang kagandahan na nasusukat sa itsura at anyong pisikal ay siyang pinakamababa sa kraytira kung ito ay ibibilang man.

      Ganoon pa man, ang "pagandahan" ay nabahiran na ng epekto ng kolonyalismo at kapitalismo. Pagkatapos sabihin ni Gerardo Guiuan ang mga magagandang katangian ng mga Pilipino sa kanilang pagsasagawa ng pagandahan, tinalakay naman niya na ang patimpalak na ito ay isa ring karanasan ng kasalanan. Sa isang konsumerismong lipunan na laging bukas sa epekto ng kapitalismo, nagkaroon ng nakakasisirang mentalidad ang mga Pilipino sa pagtingin nila sa mga sumasali sa mga pagandahan. Hindi na totoong ganda na nagmumula sa loob at mas malalim pa sa pisikal na kaanyuan ang kanilang nakikita kapag naonood ng mga ganitong kontest ng mga babae. Ang ganda, dahilsa konsmerismong mentalidad, ay sinusukat na sa labas na anyo.

     Ang "ganda" ay naging isa ng negatibong katangian kaysa ito ay tignan bilang biyaya. Binigyang halibawa ni Guiuan sa kanyang artikulo ang tatlong naglalabang perspektibo sa pagtingin sa salitang ganda. Ang una ay ang etnolinguistikang pananaw, ang ikalawa a ang sosyolohikal na pananaw, at ang huli ay ang edukasyonal na pananaw.

     Sa etnolinguistikang pananaw, nasabi na ang "ganda," sa katutubo nitong kahulugan, ay may katumbas na kahulugan na kaakit-akit na anyo, alindog, anyag, dayag, ganggana, kasta, lagu." Sa lahat ng ito ito, ang pinakakaraniwan ay ang alindog na nangangahulugang dilag, ganda, pagkamagiliw, pangakit. Sa katutubong pananaw, ang salitang "ganda" ay isang katangian at hindi isang pisikal na anyo ng isang tao.

     Nangangahulugan na ang salitang ganda ay mas malalim pa na kabuluhan sa lenggwahe ng mga katutubong Pilipino bukod sa anyong labas ng isang tao. Binigyang halimbawa din niya dito ang paggamit ng salitang "ganda" sa parehong kasarian ng tao, lalaki man o babae. Dahil ang ganda ay hindi isang anyong pisikal na madalas idinidikit sa mga babae, sa katutubong pag-iisip ng mga Pilipino, ang ganda ay isang likas na katangian na pwedeng taglayin ng parehong kasarian.

       Kabaligtaran nama sa naunang pananaw, ang sosyolohikal na pananaw ay mas modernong paggamit sa salitang "ganda." Ang salitang ito ay nagagamit lamang sa mga kababaihan na sa kalaunan ay nagiging isa ng porma ng pangaabuso at eksploytasyon. Dito na papasok ang pagtingin sa mga pagandahan na ang pamantayan ay ang walang katumbas na ganda ng pisikal na kaanyuan ng mga babae. Imbes na ito ay katangian, ito ay naging termino na ibig kahulugan ay magpaganda na ginagamit ang mga produktong pampaganda katulad ng make-up, lipstick, at iba pa.



      Ang kanluraning konsepto ng ganda ay naayon sa pisikal na anyo na hindi nababago katulad ng kulay, katawan, taas, haba ng biyas, at iba pa. Ang ganda ay nakikita na sa ganda ng mukha at ganda ng hubog ng katawan. Hinalimbawa ni Guiuan dito ay ang kanlurang laruan na si Barbie, na siyang naging modelo upang ipakita na ang "ganda" ay nakikita lamang sa labas at hindi sa loob.

      Sa huli, ang pagandahan ay naging isa ng patimpalak ng kasalanan. Ang mga babaeng kalahok ay isa ng mga bagay na inaabuso. Tinitignan ang kanilang pagkapanalo sa taglay niyang kagandahang pisikal at magandang kurba ng katawan. Ang kapitalistang lipunan ay tumutulong na mas mapasama pa ang salitang ganda sa mga isipan ng mga Pilipino. Natatak sa ating mga isip na ang ganda ay isang anyo at hindi isang katangian.

      Kaya nagkakaroon ng masamang imahe ang mga kababaihan dahil nagiging mga sexual objects sila sa patingin ng mga tao. Isang malawakang prostitusyon ang nagaganap kung titignan. Ang ganda ay nakonteksto sa pananaw na hindi talaga nangaling sa atin, kundi nangaling sa labas.Naging malinaw na ang ganda ay nasusukat sa kung gaano kaaya ang iyong itsura at pangangatawan sa mata ng tao. Mas napangibabawan na niya ang kahulugan na ang ganda ay isang natural na katangian ng tao at isang biyaya at hindi kasalanan.
Posted in | 0 Comments »

0 (mga) komento:

Mag-post ng isang Komento