Mall at Kultura

Miyerkules, Marso 28, 2012 by Orestes C. Magdaraog III
       Ang mall ay hindi lamang isang venue para sa libangan ng mga tao. Higit sa lahat, ito ay maaring maging isang salamin din ng kanilang mga kultura. Mula umaga hanggang gabi, iba't ibang mga tao ang dumaragsa sa lugar na ito upang paglipasan ng kanilang mga oras. Sa pagkukumpara ng dalawang mall, makikita natin ang iba't ibang kultura ng tao. Dalawang mall na aking napili ay ang Ever Gotesco Grand Central sa Caloocan at ang SM Manila sa Maynila.



       Sariwa pa sa mga balita kung paano tinupok ng apoy ang buong establisyimento ng Grand Central. Nakakalungkot dahil isa ito sa pinakadinaragsang tao sa Caloocan. Ako ay lumaki sa Quezon City sa may area ng Balintawak at ilang sakayan lang ang pagpunta namin sa Grand Central. Halos araw-araw ay wala akong mintis sa pagpunta dito. Sa Caloocan, ang Grand Central ay bahagi na ng kanilang buhay kaya nakakalungkot na nasunog na ito.


      Ganoon pa man, kahit na sunog na ito, buhay na buhay pa rin sa aking isipan kung anong klaseng kultura ang matatagpuan dito. Dito na ako lumaki, pagkatapos magsimba sa may Our Lady of Grace Parish ay halos lahat ay derecho na sa Grand Central upang kumain, magpalamig, at mamili ng mumurahing pagkain sa mga kainan. Sobrang tagal na nito at walang masyadong pagbabago o renovation ang isinagawa para ito ay mapaganda. Lumang luma na talaga ang istraktura at kung titignan sa loob ay mukhang napapabayaan na rin ng bahagya.


      Isang mall na bukas sa masa ang Grand Central. Kung gusto mong magpasosyal sa pagpunta sa mall, hindi ang Grand Central ang magandang lugar para sa iyo. Sa labas pa lang ng mall, ang makikita mo na ang mga nagtitinda ng mga streetfoods at mga karinderia. Sa may Monumento, malimit ay trapik lagi at hindi mahulugang karayom ang dami ng tao.




      Pagpasok mo sa loob, parang mga nasa bahay lang ang mga tao kung titignan ang kanilang pananamit. Talagang mall ng masa ang Grand Central. Ang daming mga nakatsinelas kaya sa mga nakasapatos at rubber shoes. Hindi na nakakagulat kung sando at shorts lang ang uniporme ng mga namamayal dito. Sa mga bilihan, ang daming mga nagbebenta ng mga second hand na mga cellphone. Nagkalat din ang mga nagtitinda ng mga bagsak presyo ng mga damit, at karamihan pa ay mga peke katulad ng mga rubber shoes at mga bags na sa itsura pa lang ay mukhang sirain na.

      Kung ikukumpara mo naman ang Grand Central sa SM branch sa Maynila, ang layo ng pagkakaiba. Sa SM Manila madali kong masasabi na ito ay mall ng mga estudyante at mga may kaya sa buhay. Mararamdaman mo talaga na ligtas ka dahil malawak ang mall at maliwanag kumapara sa Grand Central na masikip at medyo malimlim. Sa SM Manila sa labas pa lang ay makikita muna ang mga estudyanteng nakauniporme pa na namamasyal pagkatapos ng kanilang klase.

 


        Ang Maynila bilang kapital na lungsod ng maynila at sentro ng komersyo, di na nakakagulat na ganoon din kaganda ang kulturang nabubuo sa loob ng SM Manila. Mararamdaman mo ang ambience ng Maynila sa loob ng mall. Napakaganda a tnapakalinis tignan. Lahat ay nakaporma at napakaayos malayong malayo sa mga nagmamall sa Grand Central.



       Sa mga pagbibilhan, ang layo ng agwat ng mga tindahan sa SM sa Grand Central. Sa  pasukan ng SM bubungad na sayo ang Starbucks na pinagpipiyestahan ng mga taong nagbabayad ng malaking halaga para lamang sa mainit na higop ng kape. Ang daming mga establisyimentong nagtitinda ng mga mahal na branded na mga damit, relo, at mga kainan. Butas agad ang bulsa mo sa pamamasyal sa ganitong klase ng mall.

     Sa pagtatapos, makikita na sa pagkukumpara ng mall makikita mo ang ibang kulturang nabubuo ng mga tao dito. Epekto na siguro ang lugar ng mall at ang mga uri ng antas ng taong dumaragsa dito ang mapapansing kultura. Sa pagkukumpara, mahahati mo agad na iba ang antas ng mga tao sa parehong mall. Presyo ng kainan at bilihin, mga pananamit, ang istruktura, at iba pa, ay mga kapansin-pansin na mga bagay upang malaman mo ang kultura na nabubuhay sa loob ng mall.
Posted in | 0 Comments »

0 (mga) komento:

Mag-post ng isang Komento