Ang Pilipinasasyon Ng Kamalayang Pilipino: Ang Pantayong Pananaw

Linggo, Marso 25, 2012 by Orestes C. Magdaraog III
Entry para sa araw ng February 23, 2012




        Sa panahong kolonyal na Pilipinas, lahat ng dokumento ay sulat ng mga espanyol at amerikano na sumisiwalat ng kanilang mga pananaw tungkol sa mga Pilipino. Ang kasaysayan ng Pilipinas sa panimula ng mga pagsasakop ng mga kolonyalista ay hindi naman talaga kasaysayan ng bansa kung hindi kasaysayan ng mga kolonyalistang ito sa Pilipinas. Iilan lang ang nagsusulat na may nasyonalismong pananaw na inuugat ang kanyang perspektibo mula sa walang bahid at totoong Pilipinong kamalayan. Isang balakid na kaya sa panahon ngayon, mas dominante pa rin ang mga kanluranin sa paglalason sa ating mga kaisipan.

        Nakakagalak na natalakay sa klase ang isa sa mga hinahangaan kong propesor sa disiplina ng kasaysayan. Yan ay ang walang kapantay na si Zeus Salazar, o Bathala kung siya'y bansagan ng aking mga guro sa kasaysayan. Bilang isang historyador at tapat na manunulat sa kasaysayan, hindi maaring hindi ko makilala at maisapuso ang pananaw na nais ipahayag ng isang institusyon na sa disiplina ng kasaysayan na si Dr. Salazar. Napakaganda ng kanya teorya at bilang Pilipinong manunulat ng kasaysayan, isang hangarin na napakagandang tuparin na sumulat ng kasaysayan sa pantayong pananaw.

        Pagtataksil na kung ilarawan sa mga Pilipino historyador na umaayon pa rin sa paggamit ng mala-Pangkaming Pananaw. Dahil sa pananaw na ito, halik sa paa pa rin ng mga banyaga kung ilalarawan ang ginagawang istorya ng mga manunulat. Iba sa isang malarebolusyon adhikain ni Dr. Salazar na baligtarin naman ang pananaw na pinagmumulan ng karamihan sa mga sulatin sa kasaysayan. Bakit hindi natin gamiting ang pananaw na TAYO naman ang nagsasalita? TAYO ang humuhusga ng ating mga karanasan? TAYO ang nasa sentro ng mga kaganapan at hindi ang mga tagalabas na pumarito laman upang tayo ay alipustahin?

        Isang matagumpay na mithiin kung magkakatotoo na maibalangkas sa Pantayong Pananaw ni Dr. Salazar ang ating kasaysayn. Marapat lamang dahil tayo ang bida dito at hindi sila, o kami na sinisingit pa ang mga banyaga sa eksena. TAYO ang bida, kaya TAYO dapat ang humusga!
Posted in | 0 Comments »

0 (mga) komento:

Mag-post ng isang Komento