Ang Pilipinisasyon Ng Kamalayang Pilipino: Unang Parte

Linggo, Marso 25, 2012 by Orestes C. Magdaraog III
Entry sa araw ng Febraury 20, 2012


                                        

           Sa totoo lang umay na umay na ako sa pagdidiskurso sa klase ng mga teoryang hiram natin sa mga kanluranin. Kung titignan ang mapa, napakalayo ng Pilipinas sa mga kanluranin kaya bansag na sa bansa natin at sa buong rehiyon na kinabibilangan nito sa Asya ay "ang malayong silangan" (far east). Dahil sa sunod-sunod na pagsakop ng mga kolonyalista sa atin, hindi na nakakapagtaka na lahat ng sulatin na patungkol sa Pilipinas ay humugot ng perspektibo sa mala-kanluraning na pananaw.

         Ngayon sa klase ang diskuyon ay sumentro sa tatlo sa mga paraan ng pagsasakatutubo ng kamalayang Pilipino na malaya sa anumang impluwensiya at manipulasyon ng mga banyaga. Ito ang Sikolohiyang Pilipino, Pilipinolohiya, at ang Pantayong Pananaw.

         Ang Sikolohiyang Pilipino ay naglalayon na buhaying ang kamalyang Pilipino na orihinal at masasabing totong sa atin nagmula. Karaniwan na sa ating pagiisip ang magbalangkas ng mga bagay gamit ang pamantayang minana o itinuro sa atin ng mga banyaga. Mga pamantayan na sa ating pagkatao ay hindi naman talaga akma kung titignan at susumahing na may lalim. Binbanggit ng paraan ng pagsasakatutubo na ito na tayong mga Pilipino ay likaw na itimbang ang sarili na mas mababa kumpara sa mga taong labas at iba sa atin.

        Mukhang dulot ito ng mga banyagang kolonyalista na kung sambahin ang kanilang lahi ay malimit na siansabi na mas superyor sila kaysa sa atin. Ang direksyon ng pagtingin ng mga Pilipino sa kanilang lahi ay laging may reperensya sa labas, o ang mga kanluranin sa pagiging partikular, kaysa sa loob ito inuugat. Para bang mas kilala natin ang ating mga sarili kung ikukumpara natin ang ating lahi sa pamantayan ng mga banyaga. Layunin ng Sikolohiyang Pilino na basagin ang ganitong maling paraan ng kamalayan ng mga Pilipino.

        Tayo ay Tayo, at hindi nagong Tayo ng dahil sa Kanila! Tayo ang mas nakakakilala sa ating mga sarili bilang mga Pilipino. Ang mga nasa labas ay walang basihan na tayo ay bigyan ng identidad at anumang mga katawagan na nakaayon sa kanilang sariling pamantayan.
     
Posted in | 0 Comments »

0 (mga) komento:

Mag-post ng isang Komento