Cultural Revolution, French Style

Linggo, Marso 4, 2012 by Orestes C. Magdaraog III
Entry para sa araw ng February 6, 2012



         Ngayong hapon ay namangha ako sa napakagandang kaalamang ibinahagi ng French Cultural Studies sa pag-aaral at pagdidiskurso ng kultura. Bilang mag-aaral ng kasaysayan, malimit ko na naririning sa mga diskusyon sa mgha medyor kong sabdyeks at maging sa mga librong akin ng nabasa ang kontribusyong ibinahagi ng mga Prances na ito sa kasalukuyang panahon ngayon. Nabanggit na ang dalawawang pinaka-interes ng pag-aaral ng mga kasapi ng institusyon na ito ay ang historiograpiya at eksistensyal na pilosopiya.

         Laki ng aking paghanga na dahil sa mga makabagong kaisipan ng mga taong ito ay nabago ang pananaw ng pagsusulat ng kasaysayan, o historiograpiya sa isang salita. Ang French Annales School ay mga tagapagtaguyod ng isang makabagong kasaysayan (new history) bilang aksyon ng pagtuligsa sa umiiral na positibong pananaw (positivism) sa tradisyunal na pagsusulat ng salaysay ng mga historyador. Palagi ko ng sinasabi na ang kasaysayan sa modernong panahon na kung saan siyensya ang pangunahing metodolohiyang ginagamit upang sumulat ng isang totoong salaysay, nagiging monopolyo na ng mga elitista at iba pang sangkot sa mga naghaharing uri ang mundo ng mga salaysay.

          Dahil siyensya ang sukatan ng kasaysayan, kailangan nakabase lagi ang mga sulatin sa mga dokumentong nakasulat at nakikita, at kung hindi ay hindi ito maaring maisali sa naratibo ng kasaysayan. Napakaelitista sa madaling salita. Dahil dito, naisasantabi ang mga buhay ng mga ordinaryong mamamayan ng lipunan sapagkat sila mismo ay hindi naman naidodokumento ang kanilang mga istorya para maisulat ng mga historyador. Kahulugan na ba na sila ay hindi na parte ng kasaysayan?


         Ang isang malaking hangarin ng French Annales School ay ibaba ang kasaysayan sa mga taong hindi napapansin sa tradisyunal na pagsusulat na puro mga pulitikal, eokonomiko, at militar ang mga tema ng sulatin.  Mga tema na pinaghaharian ng mga nasa taas ng hirarkiya. Kabaligtaran nito, ang bagong kasaysayan na likha ng mga Prances na ito ay naglalayon na gawing kabuuan at palawakin ang sakop ng mga aralin ng kasaysayan. sa pamamagitan ng pagbubukas ng iba pang mga disiplina ng pag-aaral. Hindi lamang puro mga pulitika at ekonomiya ang laging paksa ng diskurso, ang isang historyador ay malayang sumoob ng pag-aaral sa kultura, social history, heyograpiya, agrikultura, at iba.

      Para sa isang naghahangad na historyador na katulad ko, isang malarebolusyonaryong adhikain ang ibinihagi ng mga Prances na ito sa disiplina ng kasaysayan. Ang mga ordinaryong tao ay nararapat din na bigyan ng pahina sa kasaysayan.
Posted in | 0 Comments »

0 (mga) komento:

Mag-post ng isang Komento